Walong bala ng baril ang tumapos sa buhay ni SPO4 Dolrich Carroz makaraang salubungin ng suspek na si PO1 Jamil Abdulla na ngayon ay naghihimas ng rehas na bakal.
Napag-alaman sa ulat, na ang dalawa ay magkasama sa serbisyo sa Zamboanga police precinct 9 at pinaniniwalaang matagal nang may alitan sa isat isa.
Batay sa ulat na tinanggap kahapon ng Camp Crame, naitala ang krimen dakong alas-8:15 ng umaga sa loob ng naturang presinto.
Kasalukuyang papasok sa trabaho ang biktima nang salubungin ng suspek na nag-aalburuto sa galit at walang sabi-sabing pinutukan ng sunud-sunod ang kasamahang pulis na hindi naman nakaganti.
Agad namang dinisarmahan ang suspek at pormal na sasampahan ng kaukulang kaso.
Lumitaw sa inisyal na imbestigasyon, na nag-kimkim ng galit ang suspek sa kalabang biktima sa hindi maipaliwanag na dahilan hanggang sa magbunga ito ng kamatayan.(Ulat ni Joy Cantos)