10 puslit na sasakyan nabawi ng BOC

SUBIC BAY FREEPORT – Sampung imported smuggled vehicles na ipinuslit palabas ng Freeport ang sabay-sabay na na-rekober ng mga ahente ng Enforcement and Security Service-Customs Police District (ESS-CPD) sa isinagawang magkahiwalay na operasyon sa lalawigan ng Laguna kamakalawa ng hapon.

Base sa ulat na isinumite ni ESS-CPD Anti-Smuggling Unit chief Capt. Marlon Alameda, kay ESS-CPD commander Capt. Elpidio "Sonny" Manuel, nabawi ang sampung mamahaling sasakyan na napaulat na ipinuslit noong nakalipas na linggo.

Walang kaukulang papeles at dokumento ang mga imported vehicles nang inilabas sa yarda ng Four-D Trading Company, isang rehistradong kumpanya sa Freeport sa kahabaan ng Corregidor Highway, Naval Magazine, Subic Bay Freeport.

Kabilang sa mga narekober ay anim na Nissan Serena van, tatlong Mitsubishi Delica van at isang Isuzu Bighorn na magkakasabay na naispatang ibinebenta sa dalawang motorships sa Barangay San Vicente, Biñan at sa bayan ng Sta. Rosa, Laguna noong Miyerkules ng hapon.

Ayon naman kay BoC-Subic Port Collector for Assessment Atty. Andres Salvacion, umaabot sa P3 milyon ang mawawala sana sa pondo ng gobyerno kung ang mga narekober na sasakyan ay matagumpay na naibenta sa black market.

Sa kasalukuyan ay pansamantalang inilagak ang mga nabawing sasakyan sa BoC compound sa Bldg. 307 para sa nakatakdang auction. (Ulat ni Jeff Tombado)

Show comments