Bus sinunog ng NPA rebels

CAMP AGUINALDO – Muli na namang naghasik ng terorismo ang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) makaraang sunugin ang isa pang pampasaherong bus matapos harangin sa Sison, Pangasinan nitong Martes ng gabi.

Sa ulat ni AFP-Northern Luzon Command (AFP-NOLCOM) Chief Lt. Gen. Romeo Dominguez, naganap ang panununog sa Victory Liner Bus na may plakang CWX-697 sa kahabaan ng national road ng Brgy. Agat, Sison, Pangasinan dakong alas-8:30 ng gabi.

Pinababa ang 49 pasahero ng bus saka tinutukan ng baril ang driver at konduktor kung saan ay inatasan ang mga ito na dalhin ang bus sa paanan ng tulay ng Agat.

Sinabi ni AFP-NOLCOM Spokesman Col. Preme Monta na walang nagawa ang driver ng bus na si Elono Caechay Jr. matapos tutukan ng baril ng mga armadong rebelde.

Pagsapit sa lugar ay agad na binuhusan ng gasoline ng mga rebelde ang bus hanggang sa tuluyan itong magliyab at lamunin ng apoy mabilis na nagsitakas ang mga rebelde patungo sa kanlurang direksiyon ng nasabing lugar. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments