Kabilang sa napatay ay nakilalang sina: Kabayan, 60; Kacaria, 45, at Neria, 30, pawang may apelyidong Kamlon samantalang nasugatan naman ang mga biktimang sina: Mara, 10, at Maik, 13 na ngayon ay ginagamot sa Cotabato Regional Medical Center sa Cotabato City.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, pinaligiran ng mga armado ng malalakas na kalibre ng baril na kalalakihan ang bahay ng pamilya Kamlon bago nag-umpisang ratratin.
Ayon pa sa ulat, bago nagsitakas ang mga armadong kalalakihan ay pinaulanan din ng bala ang mga kapitbahay ng pamilya Kamlon kaya nagkaroon ng tensyon ang mga residente.
Lumalabas sa impormasyong nakalap ng pulisya sa mga residente, ang mga biktima ay masugid na tagasuporta ng mga lokal na kandidato sa ilalim ng partido Lakas-Christian, Muslim Democrats.
Gayunman, sinabi ni Senior Superintendent Amerodin Hamdag, director ng Maguindanao police, patuloy na sinisiyasat ang naganap na insidente kung may kaugnayan nga sa politika, napaulat din na ang pamilya Kamlon ay may nakaalitang ibang angkan sa nabanggit na barangay.(Ulat ni John Unson)