Gayunman, tumanggi si AFP Chief of Staff Gen. Narciso Abaya na tukuyin ang eksaktong lugar kung saan namataan si Janjalani dahilan baka mabulilyaso ang kanilang dragnet operations laban sa Sayyaf leader na may patong sa ulong $1-M o P56-M mula sa Estados Unidos at karagdagang P20-M mula naman sa pamahalaan.
Nabatid kay Abaya na patuloy ang puspusang intelligence monitoring at operasyon ng tropa ng pamahalaan sa ilang mga lugar sa Central Mindanao na natukoy kung saan nagpapalipat-lipat ng taguan si Janjalani.
Kabilang sa nasabing mga lugar ay ang mga bulubunduking hangganan ng Cotabato, Maguindanao, Sultan Kudarat at paminsan-minsan rin umano ay namamataan ng mga assets ng AFP si Janjalani sa bahagi ng Lanao del Sur.
"Ang kampanya natin laban sa Abu Sayyaf ay magpapatuloy, tutugisin natin silang lahat," ani Abaya bilang bahagi ng kanilang determinadong misyon na kunin buhay man o patay si Janjalani.
Si Janjalani ay wanted sa batas kaugnay ng serye ng kidnapping partikular na ang pagdukot sa Amerikanong misyonaryo na sina: Gracia at Martin Burnham kasama ang 18 pang katao sa Dos Palmas Beach Resort sa Puerto Princesa City, Palawan noong Mayo 27, 2001. (Joy Cantos)