Congressional bet ligtas,3 alalay todas sa ambush

KAMPO SIMEON OLA. Legazpi City – Tatlong alalay na lalaki ang iniulat na nasawi habang dalawa naman ang malubhang nasugatan at himalang nakaligtas ang kandidatong congresswoman makaraang tambangan ng mga armadong kalalakihan ang convoy ng mga biktima sa Barangay Matugnao, Palanas Masbate kahapon ng madaling-araw.

Kabilang sa napuruhan ng mga bala ng malakas na kalibre ng baril ay sina: Roy Yamson, Pio Egong at Vencio Abarte na pawang alalay ni congressional bet Lina Seachon ng ikatlong distrito ng Masbate.

Ginagamot naman sa Cataingan District Hospital ang dalawang nasa kritikal na kondisyon na sina: Syrene Manatag at Boyet Samson.

Himala naman nakaligtas sa tiyak na kamatayan si Lena Siachion na asawa ni Congressman Furtos Seachon ng Cataingan, Masbate.

Base sa ulat na nakarating kay Police Chief Superintendent Jaime Lasar, Bicol provincial director, naganap ang pananambang dakong alas-12:30 ng madaling-araw habang binabagtas ng mga biktima ang kahabaan ng nabanggit na kalsadang sakop ng naturang lugar.

Napag-alaman pa sa ulat, na nagmula ang mga biktima sa political rally sa hindi nabatid na barangay at magkakasunod na bumabagtas sa naturang barangay nang ratratin.

Sa kasalukuyan ay sinisilip ng mga awtoridad ang anggulong kalaban sa politika ni Seachon ang responsable sa pananambang at ang ikalawa ay anggulo ay pawang mga rebeldeng New People’s Army ang bumanat sa mga biktima. (Ulat nina Ed Casulla at Joy Cantos)

Show comments