Inatasan na ni Governor Akbar ang mga awtoridad na tumutugis sa mga pumugang preso na barilin hanggang sa mapatay ang mga pugante kapag ito ay nanlaban.
Inamin naman ni Akbar na posibleng matagalan pa bago tuluyang madakip ang mga pugante partikular na ang mga kasapi ng grupong Sayyaf.
Kasabay nito, aabot naman sa labinsiyam sa kabuuang 53 preso na pumuga sa naturang kulungan ang iniulat na nasakote ng mga awtoridad.
Karamihan sa pumugang preso ay pawang kasapi ng bandidong Abu Sayyaf na naghahasik ng karahasan sa Basilan.
Sinabi naman ni PNP spokesman P/Chief Supt. Joel Goltiao na hindi sila titigil sa pagtugis laban sa mga pumugang preso hanggat hindi naibabalik sa selda ang natitirang pugante.
Kinilala ang ilang nadakip na pugante na sina: Guillermo Sabtula Salcedo, Abdul Rahman, Ismael Diolagla, Abtullah Apah Masunod, Hadji Amir Nigaya na pawang kasapi ang grupong Abu Sayyaf; Nelson Ramba, Buyong Buyong Gasap Isnijal, Sabtal Al-almsirani Hataman, Nasan Nasilun at Michael Alani.
Ayon pa sa ulat, ang 26 pang presong pumuga ay huling namataan sa bulubunduking bahagi ng Basilan na kilalang kuta ng grupong Sayyaf sa ilalim ni Commander Isnilon Hapilon.
Sa inisyal na imbestigasyon, kapabayaan ng mga guwardiya ang isa sa dahilan ng jailbreak matapos na maipuslit ang baril ng isa sa mga dalaw ng mga bandidong Sayyaf na siyang ginamit sa pagbaril sa bantay hanggang sa maganap ang maramihang pagtakas. (Ulat ni Joy Cantos)