Ayon kay AFP -Southcom Chief Lt. Gen. Roy Kyamko, puspusan ngayon ang isinasagawang pagtugis ng militar sa tatlo pang lider ng ASG na wanted sa US government na may tig $ 1 M reward bawat isa maliban pa sa tig P5M na inilaan naman ng pamahalaan kapalit ng kanilang ikadarakip.
Kinilala ang mga pinaghahanap pang ASG leaders na sa pangunguna ng kanilang pinunong si Khadaffy Janjalani, Commanders Isnilon Hapilon at Abu Solaiman, pawang wanted sa kasong murder at gayundin sa serye ng kidnap-for-ransom (KFR) partikular na ang pagdukot sa 20 katao sa Dos Palmas Beach Resort sa Puerto Princesa City, Palawan noong Mayo 27, 2001.
Tiwala si Kyamko na sa pagkakapatay sa engkuwentro ng mga elemento ng Armys 1st Scout Ranger Company (src) kay Salih at sa lima pa nitong tauhan ay hindi na magtatagal at susunod ng mabibitag ng militar sina Janjalani, Hapilon at Solaiman.
Magugunita na si Salih at lima nitong tauhan ay napaslang habang dalawa namang sundalo ang nasugatan matapos ang umaatikabong bakbakan sa bisinidad ng Kumalarang at Makiri area, Isabela City, Basilan noong Huwebes Santo. Sa nasabing engkuwentro ay nakarekober ang militar ng dalawang M 203 grenade launchers at tatlong M16 rifles. (Ulat ni Joy Cantos)