$215-M proyekto ng SBMA sisimuan na

SUBIC BAY Freeport – Nakatakdang umpisahan ang konstruksyon sa $215 milyon Subic Port modernization project matapos ipagkaloob ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang kontrata sa isang Japanese construction company.

Ang naturang kontrata ay iginawad mismo ni Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chairman Felicito Payumo sa Penta Ocean Corp. at sa kasosyo nitong Shimitsu Corp. at TOA Corp. makaraang pumasa sa isinagawang komprehensibong ebalwasyon ng Bids and Awards Committee (BAC).

Noong nakalipas na Disyembre lamang ay pormal na binuksan ang financial bids na isinumite ng dalawang Japanese bidders, ang Penta Corp. at ang kaisa-isang katunggali nitong Toyo Corp.

Ang Nishimatsu Corp ay nadiskuwalipika sa pagsusumite nito ng mga depektong substansiyal na hindi pumabor sa kumite.

Ayon sa kumite, isa sa dahilan sa pagpasa ng Penta Ocean Group ay ang pagsusumite nito ng pinakamababang alok na P5.22 bilyon o 25% mas mababa kaysa sa alok ng kalabang kompanya na P6.99 bilyon o dito ay nakatipid ang SBMA ng P1.76 bilyon.

Sa gaganaping groundbreaking ceremony, ang konstruksyon ng Subic Port ay ikinukunsiderang isa sa pinakamalaking flagship project sa ilalim ng administrasyong Arroyo sa pamamagitan ng socio-economic loan assistance na ibinigay ng maimpluwensyang Japan Bank for International Cooperation (JICA).

Sinabi naman ni Payumo na ang Subic Port modernization project ay isang malaking bahagi ng Global Gateway concept kasama ang Subic Clark-Tarlac toll road na ang Central Luzon ay siyang magiging maunlad na modernong rehiyon sa bansa. (Ulat ni Jeff Tombado)

Show comments