CIDG-Region 3 sinasandalan ng mga sex den sa Subic

OLONGAPO CITY – Bigong maaksyunan ni Criminal Investigation and Detection Group-Regional Office 3 director Sr. Supt. Paul Mascariñas ang lantarang pakikipagsabwatan ng kanyang mga tiwaling tauhan sa operasyon laban sa prostitusyon at mga malalaswang panoorin sa mga videoke bar sa Subic, Zambales.

Ito ay matapos makatanggap ng panibagong impormasyon ang PSN mula sa mapagkakatiwalaang impormante na ilang mga tiwaling tauhan ng CIDG-Region 3 ay nagtungo noong Huwebes ng gabi upang mag "rest & recreation" sa mga establisimyentong sangkot sa talamak na prostitusyon sa Brgy. Calapandayan, Subic, Zambales.

Sinabi ng source na tatlong tauhan ng CIDG-Region 3 na nakabase sa Camp Olivas, Pampanga na kinilala lamang sa mga pangalang "Henry", "Allen" at "Allan" ang nagsilbi umanong "bagman" at "tourist guide" sa ilang mga matataas na opisyal ng CIDG na namasyal sa mga prostitution den.

Napag-alaman mula sa impormante na ang tatlo ay nagtungo sa mga videoke bar tulad ng Marteesan’s bar, Mama Rose massage parlor, Chiquitita, Luna Piena Club, 392, R-18, Sweet-16, PepeCaca super disco, Curacha at Georgetown Disco upang kumolekta ng lingguhang payola kapalit ng malayang operasyon ng mga may-ari ng gusali.

Nabatid pa na ang payola na kinokolekta ng tatlo ay personal na ibinibigay sa kanila nina Nestor Mago at Calapandayan Bar Owners Association (Cabarowa) President Manny Arce, na kapwa mga may-ari ng Georgetown disco at PepeCaca na pawang sangkot sa malawakang operasyon ng prostitusyon. (Ulat ni Jeff Tombado)

Show comments