Sa reklamo ng biktimang si Ramon C. Yu, vice mayoral candidate sa Salvador, Lanao del Norte at executive sa malaking kompanya, inakusahan nito sina Rodolfo Lerio, gunman, dating Salvador Mayor Johnny Tawantawan at dalawang lalaki na nakilala lamang sa alyas na Subair at Bebe.
Ayon kay Yu, ang pagtatangka sa kanyang buhay ay politically motivated.
Isinumite na ni P/Chief Insp. Jesus Rebua, hepe ng Intelligence and Investigation Division, ang reklamo ni Yu kay prosecutor Roberto Albulario Jr. na nagrekomenda naman ng P120,000 piyansa sa bawat akusado.
Base sa ulat ng pulisya, si Lerio ay kasalukuyang naghihimas ng rehas ng bakal samantalang sina Subair at Bebe ay tinutugis habang ang inaakusahang mastermind ay iimbitahin sa himpilan ng pulisya para sa kuwestyunin at kapag hindi siya sumipot ay magpapalabas ng warrant of arrest ang prosecutors office.
Bago magsampa ng kaso si Yu ay tinangkang barilin ni Lerio ang biktima noong Marso 17, 2004 habang papasok ng opisina.
Hindi naiputok ni Lerio ang hawak na baril dahil agad na naagaw ni Yu hanggang sa magpambuno ang dalawa kaya nadakip nang nagrespondeng pulis. Sa himpilan ng pulisya, kumanta si Lerio na binayaran siya ng paunang P5,000 matapos makipagpulong sa dating alkalde ng Salvador at ang kakulangang P55,000 ay ibibigay kapag naisagawa ang krimen. (Ulat ni Lino dela Cruz)