Dyip vs motorsiklo: 1 patay, 2 grabe
March 22, 2004 | 12:00am
INFANTA, Quezon Kinalawit ni Kamatayan ang isang 34-anyos na lalaki habang dalawa naman ang nasa kritikal na kondisyon makaraang banggain ng owner-type jeep ang kasalubong na motorsiklo sa kahabaan ng Maharlika Highway na sakop ng Barangay Tongohin sa bayang ito kamakalawa ng hapon. Basag ang bungo ng biktimang si Mauricio Romantico ng Barangay Magsaysay, samantalang ginagamot naman sa ospital sina Manolo Modesto, 34 ng Brgy. Gumian at Jun Jun Alamag, 17 ng Brgy. Tongohin. Sumuko naman sa himpilan ng pulisya ang drayber ng owner-type jeep (DSP 727) na si Pedro Caliguiran, 41 ng Brgy. Anoling, Gen. Nakar, Quezon matapos na maganap ang aksidente dakong alas-3 ng hapon. (Ulat ni Tony Sandoval)
CAMP AGUINALDO Agad na nasawi ang isang kawal ng Philippine Army makaraang tambangan ng mga bandidong Abu Sayyaf ang sinasakyan ng biktima kasama pa ang ibang sundalo sa kahabaan ng Sitio Batad, Barangay Labah, Maimbug, Sulu, ayon sa ulat ng militar kahapon. Napuruhan ang biktimang si Pfc. Mudjayar Jasmin samantalang sugatan naman si Pfc. Palahuddin Mohammad. Base sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Aguinaldo, binabagtas ng tropa ng Armys 53rd Infantry Battalion ang nabanggit na barangay nang tambangan ng mga bandidong Abu Sayyaf. Agad naman tinamaan ang biktima hanggang sa makipagpalitan ng putok ang iba pang sundalo. Mabilis na nagsitakas ang mga bandido patungo sa kagubatang sakop ng Brgy. Tandu Batu at Kawaran, Maimbung, Sulu. (Ulat ni Joy Cantos)
DAET, Camarines Norte Bugbog-sarado ang inabot ng isang 23-anyos na misis at kalaguyo nitong kapitbahay na lalaki sa kanyang mister makaraang maaktuhang magkasiping sa loob ng kuwarto sa J. Lukban St. Barangay 3 sa Daet, Camarines Norte kamakalawa ng hapon. Kasalukuyang naghihimas ng rehas na bakal si Claro Dioneda, 21, may asawa at misis na itinago sa pangalang Victoria na nireklamo ni Joel sa himpilan ng pulisya. Base sa imbestigasyong isinumite kay P/Supt. Antonio Freyra, police chief, bandang alas-4:30 nang muling bumalik ng bahay ang mister ni Victoria para kumain dahil sa nakaramdam ito ng gutom. Pagpasok sa bahay ni Joel ay naaktuhang magkasiping ang kanyang misis at kapitbahay na si Claro kaya sa galit ay bugbog-sarado ang inabot ng dalawa saka ipinakulong. (Ulat ni Francis Elevado)
VICTORIAS, Negros Occidental Himalang nakaligtas sa tiyak na kapahamakan sina re-electionist Senator Robert "Bobby" Barbers at kandidato sa pagka-senador na si Ramon "Bong" Revilla makaraang magpagewang-gewang ang sinasakyang chopper dahil sa malakas na hanging dulot ng bagyong "Butchoy" na nagresulta para mag-emergency landing sa kabundukan sakop ng Brgy. Sta. Maria bago lumanding sa Victorias National High School. Idineklara naman ligtas sina Barbers at Bong, kasama ang pilotong si Capt. Leo Dimaala, aide ni Barbers na si Alvin Blaza, King Gutierrez at cameraman ng K4 na si Gerald Dumasan. "Naniniwala akong may misyon pa ako sa mundong ito" ani Barbers.
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended
January 10, 2025 - 12:00am