Nahaharap ngayon sa death penalty sakaling mapatunayang guilty ang mga nasakoteng dayuhang suspek na sina Shunsuke Tamazaki, 32, ng Kanaga, Japan at Yohel Saito, 21, tubong Tokyo, Japan.
Sa report na nakarating kahapon sa tanggapan ni PNP-Anti-Illegal Drugs-Special Operations (PNP-AID-SOFT) Chief P/Deputy Director Edgar Aglipay, nabatid na ang dalawang Hapones ay nasakote ng pinagsanib na elemento ng Mt. Province Provincial Police Office (PPO) at ng Police Regional Office 2 ng Cordillera Administrative Region (CAR) dakong alas- 7 ng umaga sa inilatag na checkpoint sa Sitio Dantay, Bontoc, Mt. Province.
Hindi na nakapalag ang mga suspek matapos masamsam mula sa pag-iingat ng mga ito ang 13 bricks ng marijuana (hashish) na tumitimbang ng 1, 360 kilo ay may katumbas na halagang P1.6 milyon.
Sa ilalim ng batas ng Pilipinas, sinuman ang mahulihan ng 500 gramo ng marijuana pataas ay mahaharap sa parusang kamatayan sakaling mapatunayang guilty sa kaso.
Inaalam naman ng pulisya kung may plano ang dalawang Hapones na dalhin ang nasabing droga sa Japan habang nakipagkoordinasyon na rin sila sa Japanese Embassy sa kaso ng mga ito.
Patuloy namang isinasailalim sa custodial investigation ng Mt. Province Provincial Police Office (PPO) ang mga nasakoteng suspek at inihahanda na rin ang pagsasampa ng kaukulang kasong kriminal laban sa mga ito. (Ulat ni Joy Cantos)