Sa ulat na nakarating kahapon sa tanggapan ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Director General Hermogenes Ebdane Jr., minalas namang siya mismong masabugan ng hawak nitong granada ang namatay na suspek na kinilalang si Roger Ramirez nang tangkain nitong ihagis ang eksplosibo sa target na si Sta. Rosa Mayor Lonlon Marcelo.
Nabatid na ang insidente ay naganap dakong alas-8 ng umaga sa harapan ng La Consolacion School sa Poblacion, Sta. Rosa, Nueva Ecija.
Batay sa imbestigasyon, kasalukuyang naglalakad sa lugar malapit sa kanyang tahanan si Marcelo kasama ang dalawa pa nitong security escorts nang bigla na lamang sumulpot ang suspek na may dalang granada na akmang tatanggalan nito ng pin para ihagis sa alkalde.
Naging maagap naman ang dalawang police security escorts ni Marcelo na natukoy lamang na sina SPO1 Santos at PO3 Reyes na agad itong pinaputukan bago pa man maihagis ang nasabing granada at masabugan si Roger.
Ang insidente ay ikalawang pagtatangka sa buhay ni Marcelo matapos na hagisan din ng granada ang tahanan nito sa Brgy. Sta. Teresita, Nueva Ecija noong Pebrero 11, 2004.
Bagaman wala namang nasugatan sa insidente ay nagtamo ng pinsala ang tahanan ng alkalde sa pagsabog ng granada. (Ulat nina Joy Cantos at Christian Ryan Sta. Ana)