5 bomba nasamsam ng militar

CAMP AGUINALDO – Naudlot ang planong paghahasik ng karahasan ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) makaraang makasamsam ang tropa ng militar ng limang bomba sa kampo ng mga rebelde na sinalakay sa Barangay Pandul, Can-avid, Eastern Samar kamakalawa. Base sa ulat na nakalap sa Camp Aguinaldo, nagsasagawa ng combat patrol ang tropa ng 14th Infantry Battalion nang matisod ang nasabing kampo na may sampung kubo na maaaring umokupa sa 50 rebelde. May teorya ang militar na inabandona ng mga rebelde ang kanilang kampo dahil nakatunog na papalapit na ang tropa ng militar. (Ulat ni Joy Cantos)
Tiktik Ng Pulis Tinodas Ng NPA
GUINOBATAN, Albay – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 26-anyos na trike drayber ng tatlong rebeldeng New People’s Army sa Sitio Libas, Barangay Maquiron ng bayang ito kahapon. Duguang nakahandusay sa minamanehong traysikel ang biktimang si Ponciano Bemarte ng Morga St., Barangay Inamnan Grande, Guinobatan, Albay. Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na nagpanggap na mga pasahero ang tatlong rebelde at sumakay sa pinapasadang traysikel ng biktima saka nagpahatid sa naturang lugar. Nang sumapit sa nabanggit na barangay ay inupakan agad ng putok sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima bago nagsitakas ang tatlo na animo’y walang nangyari. Wala namang lumutang na saksi sa insidente sa takot na madamay sa pamamaslang. (Ulat ni Ed Casulla)
Mag-Utol Tinusok Ng Nakaalitan
DAET, Camarines Norte – Isang 44-anyos na lalaki ang iniulat na nasawi samantalang kritikal naman ang nakababatang kapatid nito makaraang pagtulungang saksakin ng tatlong nakaalitan ng mga biktima sa harapan ng karinderya sa Daet, Camarines Norte. Binawian ng buhay sa Camarines Norte Provincial Hospital ang biktimang si Nestor David habang inoobserbahan naman ang utol niyang si Marlo David dahil sa saksak ng patalim sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Nakilala naman ang isa sa suspek na si Mark Peconcillo ng Purok 3, Bliss Magang matapos na madiskubre ang ginamit na motorsiklo ng mga suspek. (Ulat ni Francis Elevado)

Show comments