Ang paghimok ay ginawa ni Biazon sa may 139 kadete, partikular na ang 11 kababaihan na kabilang sa "Maliyab" Class 2004 na nagsipagtapos kahapon sa Borromeo Field, Fort Del Pilar, Baguio City kung saan ay lubha umanong nakalulungkot na ang ilang opisyal ng AFP ay napapasali sa mga destabilisasyon laban sa gobyerno.
"Bilang mga opisyal at maginoo, ang mga opisyal ng militar kasama na ang mga nagretiro sa serbisyo ay di dapat makilahok sa pulitika. Dapat lang na gawin nila ang pangunahing responsibilidad na ipagtanggol ang ating demokrasya at maging tagapagligtas ng sambayanang Pilipino," saad pa ni Biazon.
Ang naturang Senador na unang nabigyan ng karangalan ng PMA bilang "Cavalier Award" dahil sa kagitingang ipinamalas sa digmaan sa Mindanao sa loob ng 18 taon ay nagsaad na ang mga nakababatang opisyal ay nangako ng katapatan sa Konstitusyon at pagtuunan ang kanilang trabaho sa halip na makisawsaw sa pulitika.