2 karnaper dedo sa barilan

Dalawa sa apat na kalalakihan na pinaniniwalaang kasapi ng sindikato ng karnaper ng mga scooter ang napatay makaraang makipagbarilan laban sa tumutugis na mga tauhan ng Laguna Traffic Management Office sa Barangay Dita, Sta. Rosa, Laguna kahapon ng madaling-araw.

Isa sa napatay na suspek ay nakilalang si Severino L. Martinez ng Quezon City habang ang dalawa ay mabilis na nagsitakas at kasalukuyang tugis ng pulisya.

Base sa ulat ng pulisya na isinumite kay P/Supt. Artemio Bermido, CALABARZON regional chief, bandang ala-1:30 ng madaling-araw nang magkahabulan sa kahabaan ng national highway na sakop ng nabanggit na barangay.

Sinabi pa ni Bermido na namataan ng dalawang mobile patrol 400 at 409 ang apat na sakay ng dalawang motorsiklong walang plaka kaya tinangka ng pulisya na parahin para sitahin.

Ayon pa sa ulat, imbis na tumigil ay pinaharurot ng magkakaangkas na suspek ang motorsiklo kaya hinabol ng mga kagawad ng pulisya at pagsapit sa hangganan ng Cabuyao ay agad na nagpaputok ang dalawang suspek.

Napilitang gumanti ng mga tumutugis na pulisya hanggang sa bumulagta ang dalawa habang narekober naman ang dalawang nakaw na motorsiklo na ginamit ng mga suspek. (Ulat nina Ed Amoroso at Rene Alviar)

Show comments