Kinilala ang mga pinalayang biktima na sina Balatan ex-Vice Mayor Felix Abaño at asawa nitong si Pilar Abaño; pawang hinostage ng NPA rebels sa kanilang pagtakas.
Sa ulat na nakarating kahapon sa tanggapan ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Director General Hermogenes Ebdane Jr., ang mga biktima ay pinalaya sa Brgy. Pagatpatan bandang alas-11 ng gabi ilang oras matapos ang mga itong tangayin ng mga rebelde na sumalakay sa kanilang lugar.
Nabatid na ang mag-asawa ay tinangay ng mga rebelde bandang alas-7:30 ng gabi matapos na lusubin ang Bgy. Duran-Balatan, Camarines Sur.
Bago hinostage ang mag-asawa ay pinasok muna ng mga rebelde ang bahay ni P/Sr. Insp. Francisco Casida, Officer-in-Charge ng Balatan police station.
Ang pagpapalaya sa mga biktima ay inianunsiyo pa ng mga rebelde sa pampublikong benefit dance sa lugar at bago tuluyang lumisan ay hinikayat ang mga residente na huwag iboto si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at Senator Panfilo Lacson.
Samantala, pinabulaanan naman ni Police Regional Office (PRO) 5 Director Jaime Lasar ang napaulat na tinangay ng mga rebelde si SPO1 Edgar Igsoc dahilan sa katunayan ay ito pa ang nag-report sa insidente.
Patuloy naman ang isinasagawang pagtugis ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at militar laban sa grupo ng mga rebelde na responsable sa insidente. (Ulat nina Ed Casulla at Joy Cantos)