Traffic enforcer dedo sa sakuna

MARIVELES, Bataan – Maagang kinalawit ni Kamatayan ang isang traffic enforcer samantalang malubha naman ang kasama nito makaraang masalpok ng rumaragasang van habang ang mga biktima ay tumatawid sa kahabaan ng Roman Highway sa Barangay Cabcaben noong Huwebes ng hapon sa bayang ito. Nagtamo ng maraming galos sa katawan ang nasawing biktima na si Juanito Angelo, samantalang inoobserbahan naman sa Bataan General Hospital ang kasamang si Artemio Sarsosa. Naitala ng pulisya ang insidente dakong alas-5:35 ng hapon matapos na tumawid ang dalawa. Dito na nahagip si Angelo kaya tumilapon habang si Sarsosa naman ay kritikal ang kalagayan. Sumuko naman kay P/Insp. Ernesto Flores, hepe ng Mariveles PNP ang drayber ng van (WVS-262) na si Virgilio Magallanes ng Taytay, Rizal. (Ulat ni Jonie Capalaran)

Show comments