Sa salaysay ni chairwoman Jullie Hacodam, ng Kapisaan Kasibu sa PSN, dakong alas-6:30 nang umalis ang kanilang sinasakyang dyip mula sa Malabing Valley.
Pagsapit sa Barangay Tadji, may kalahating oras mula sa kanilang pinanggalingan nang mapansin nila ang pitong sasakyan at mga pasahero nito na nakadapa sa lupa kung saan agad din silang pinababa at inutusang ilabas ang lahat ng kanilang pera, alahas at ari-arian.
Tumagal ang nasabing holdap ng isa at kalahating oras matapos harangin ang siyam na sasakyan na patungo sa Bayan ng Solano, may dalawang oras ang biyahe mula sa nabanggit na bayan.
Kaugnay nito ay wala namang iniulat na nasaktan sa nasabing insidente maliban lamang sa isang pulis na inagawan ng baril ng mga holdaper matapos kapkapan.
Agad namang nagpadala si Col. Felix Caddali ng Nueva Vizcaya police provincial office ng mga elemento ng pulisya upang tugisin ang mga suspek. (Ulat ni Victor P. Martin)