Kinilala ni P/Sr. Pedro Tango, Albay police chief, ang suspek na si Ernesto Dayto, 55 ng Aeroville Subdivision, Barangay Cruzada, Legazpi City.
Sinabi ni Tango na inihanda na ang kasong abduction with murder laban kay Dayto matapos na ikanta ng isang 10-anyos na batang lalaki ang insidente bago pa matagpuan ang bangkay ng mag-utol na sina Roy, 14 at Rolly Mancanes, 12 na nakasako saka itinapon sa Alternate Road sa Washington Drive.
Base sa imbestigasyon, inihayag ni Tango na positibong nakita ng batang testigo ang ginawa ng suspek laban sa mag-utol matapos na maaktuhang naninikwat ng kalapati malapit sa bakuran ni Dayto.
Nang makahulagpos ang nakababatang Mancanes mula sa mahigpit ng kamay ni Dayto ay sinundan naman ng nakamotorsiklong hindi kilalang lalaki saka pakaladkad na sinakal paitaas, ayon pa sa saksi.
Subalit, ayon sa pulisya, inamin naman ng saksi na hindi niya nakita ang aktuwal na krimen na naganap noong Linggo bago pa matagpuan ang mag-utol na nakasako.
Magugunitang ipinagbigay-alam sa himpilan ng pulisya ng ina ng mga biktima matapos na hindi umuwi ang mag-utol hanggang sa madiskubre ang dalawang bangkay na may palatandaan na pinahirapan bago pinaslang. (Ulat nina Cet Dematera at Ed Casulla)