4 holdaper nasakote
February 25, 2004 | 12:00am
CAVITE Apat na kalalakihan ang iniulat na dinakip makaraang maaktuhang hinoholdap ang mga pasahero sa dyip sa kahabaan ng Aguinaldo Highway na sakop ng Barangay Anabu 2, Imus, Cavite kamakalawa ng gabi. Kasalukuyang naghihimas ng rehas na bakal ang mga suspek na sina Eduardo Espiritu ng Brgy. Salawag, Dasmariñas; Fermin Ayran, 31 ng Brgy. San Francisco; John Villaluna, 20 ng Brgy. Sta. Lucia at Henry Gubatan, 30 ng Brgy. Anabu 2-D, Imus, Cavite. Naitala ng pulisya ang insidente bandang alas-9 ng gabi matapos na manlaban ng dalawang pasaherong hinoldap kaya nagkaroon ng komosyon sa loob ng dyip. Dito namataan ng ilang brgy. tanod ang pangyayari kaya naman sumaklolo at nadakip ang apat. (Cristina G. Timbang)
BINANGONAN, Rizal Pinaniniwalaang dinamdam ng isang 44-anyos na mister ang desisyon ng kanyang misis na makipaghiwalay kaya naman nag-suicide ito sa pamamagitan nang pag-inom ng lason sa daga sa Barangay Darangan ng bayang ito kahapon ng madaling-araw. Natagpuang bumubula pa ang bibig ng bangkay ni Daniel Bugarin matapos na uminom ng lason dahil sa pag-aakalang tinotoo ng babae ang pakikipaghiwalay. Ayon sa pulisya, binalikan ng asawang si Rowena ang kanyang mister para makipagbalikan subalit natagpuan nitong nakabulagta na at walang buhay sa loob ng kanilang bahay. (Edwin Balasa)
LEGAZPI CITY Isang 12-anyos na lalaki ang kumpirmadong nasawi samantalang nakaligtas naman ang kanyang ama at kapatid makaraang gumuho ang tinitibag na malaking bato at buhangin sa Sitio Obac, Barangay San Rafael, Sta. Magdalena, Sorsogon kahapon ng umaga. Ang biktimang natabunan ng buhangin at bato ay nakilalang si Glenn Gaon habang ginagamot naman sa Matnog Medical Hospital sina Danilo Gaon at Jomar Gaon, 14 na pawang nagtitibag ng malaking bato at buhangin para ipagbili at may kainin sa maghapon. Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya, kasama sa pagtitibag ang biktima hanggang sa hindi napansin ng mga biktima na tuluyang gumuho ang itaas na bahagi ng naturang lugar. (Ed Casulla)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended
November 2, 2024 - 12:00am