Napuruhan ng bala ng baril sa kanang dibdib ang biktimang si Isabelo Maghuyop, 48, field reporter ng dxID at residente ng Sabellano Street ng nasabing lungsod.
Samantalang tinutugis naman ng pulisya ang suspek na si Bimboy Tianting na pinaniniwalaang dating militar.
Base sa ulat na isinumite kay P/Chief Supt. Servando Hizon, PNP Regional Office 9 director, bandang alas-6:30 ng gabi kamakalawa nang dumating sa bahay ng biktima ang suspek bago nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa hindi maipaliwanag na dahilan.
Ayon sa mga saksi, natigil ang sigawan sa loob ng bahay ni Maghuyop at umalingawngaw ang malakas na putok ng baril at nang tunguhin nila ay duguang nakabulagta na ang biktima.
Agad namang isinugod sa Magboo Clinic sa Pagadian City ang naghihingalong biktima subalit idineklarang patay ng doktor.
Si Maghuyop ang ikatlong mamamahayag na napapatay sa loob lamang ng tatlong buwan at ayon sa ulat ng Center for Media Freedom and Responsibility, ika-45 na ang biktima sa buong mundo simula noong 1986.
Magugunitang si Rowell Enrinal na brodkaster ng dzRC ang sinundan ni Maghuyop na itinumba ng suspek na si Clarito Orosubal noong Miyerkules, Pebrero 11, 2004 sa Barangay Oro Site, Legaspi City.
Ipinag-utos na ni Hizon ang malawakang pagtugis laban kay Tianting para panagutin sa batas.(Ulat nina Roel D. Pareño at Joy Cantos)