TAYABAS, Quezon Apat na kasapi ng notoryus na Bolt Cutter gang ang iniulat na dinakip ng pulisya makaraang maaktuhang naninikwat ng kable ng linya ng kuryente sa Barangay Mate ng bayang ito kamakalawa ng gabi. Kabilang sa inaresto ay ang lider ng grupo na si Fernando Figuera, 26 na sinundan naman nina Arnulfo Palero, Arnel Lebantino at Gerry Herrera na pawang residente ng Barangay Dalahican, Lucena City. Narekober sa mga suspek ang 500 kilong materyales na pag-aari ng Transco na nagkakahalaga ng P1 milyon. Ang pagkakadakip sa apat ay bunsod ng impormasyong ibinigay ng mga residente sa pulisya matapos na mamataan ang mga suspek na nagkakarga ng mga ninakaw na kable ng kuryente sa dyip.
(Ulat ni Tony Sandoval) CAMP CRAME Tinambangan at napatay ang isang barangay kagawad ng mga rebeldeng New Peoples Army (NPA) habang ang biktima ay naglalakad papauwi mula sa pag-aani ng tabako sa Sitio Lampitok, Barangay Macarcamay, Bangued, Abra kamakalawa. Ang biktimang nasawi ay nakilalang si Jerry Belarmino, samantalang nakaligtas naman ang kasama nitong si Jansen Bermudez. May teorya ang pulisya na may kaugnayan sa pangongolekta ng revolutionary tax ang pamamaslang sa biktima.
(Ulat ni Joy Cantos) KAMPO SIMEON OLA Bumagsak din sa kamay ng pulisya ang pumugang preso mula sa New Bilibid Prisons, Muntinlupa City makaraang salakayin ang pinagkukutaan nito sa Barangay Taban, Minalabac, Camarines Sur kahapon ng umaga. Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Jose Bautista, dinakip si Amado Belano sa kanyang bahay sa nabanggit na barangay. Ayon sa ulat ng pulisya, may nakapagbigay ng impormasyon sa mga awtoridad na si Belano ay bumalik sa kanilang bahay kasama ang pamilya. Kaya naman sinalakay ang naturang lugar dakong alas-11 ng umaga at inabutan si Belano na kasama pa ang kanyang pamilya.
(Ulat ni Ed Casulla) CAVITE Isang 44-anyos na misis ang iniulat na napagtripang halayin at pagnakawan ng isang adik sa droga makaraang harangin ang biktimang naglalakad mula sa pagpupulong sa Barangay Anabu, Imus, Cavite kamakalawa ng gabi. Ang biktimang itinago sa pangalan Maricel ay luhaang dumulog sa himpilan ng pulisya upang ipagharap ng reklamo ang suspek na si Pedrito Nato, 34 ng Barangay Anabu 1-A ng bayang ito na ngayon ay naghihimas ng rehas na bakal. Base sa imbestigasyon ng pulisya, naitala ang krimen dakong alas-9 ng gabi matapos na harangin at kaladkarin ang biktima sa madilim na bahagi ng nabanggit na lugar bago isagawa ang maitim na balak. Agad naman nadakip ang suspek matapos na humingi ng tulong ang biktima sa mga barangay tanod.
(Ulat ni Cristina G. Timbang)