Bayaw pinaslang sa saksak ni mister

Antipolo City – Pinaslang sa pamamagitan ng 36 saksak ng isang 26 anyos na mister ang sarili nitong bayaw matapos na maaktuhang nakikipagtalik sa kaniyang misis na sa sobrang galit ay itinapon pa sa ilog ang bangkay sa Brgy. Inarawan ng lungsod na ito kamakalawa.

Kinilala ang biktima na si Julius Bacsa, 36, supervisor ng Cogeo Market Venture Corp., asawa ng kapatid na babae ng suspek.

Agad namang nadakip ng pulisya ang suspek na si Edgar Benitez, residente ng Phase II, St. Anthony Subdivision, Brgy. Inarawan, Antipolo City ilang oras matapos na maganap ang krimen.

Sa imbestigasyon ni SP02 Rodel Semacio, may hawak ng kaso, dakong alas-2 ng madaling-araw ng umuwi ang suspek sa kanilang tahanan galing sa pakikipag-inuman nang madatnan umano nito ang biktima at ang kanyang misis na nagtatalik sa kanilang sala.

Sa silakbo ng galit ay sinugod ng lasing na suspek ang dalawa subali’t nakatakbo ang suspek kaya’t napagbalingan nitong gulpihin ang kaniyang asawa.

Gayunman ay nagbalik ang biktima dahilan sa awa sa babaeng binubugbog subali’t sinalubong ito ng sunud-sunod na saksak ng suspek.

Matapos na mapatay ang biktima ay itinapon ng suspek ang bangkay nito sa gilid ng ilog pero nakita ito ng kaniyang kapitbahay na siyang nagsuplong sa pulisya sa krimen. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments