Paslit nalitson sa sunog, 2 pa sugatan

CAMP CRAME – Isang 2-anyos na batang babae ang nasawi, samantalang malubhang nasugatan naman ang ina at isang kapatid nito makaraang aksidenteng madikit ang isang lobo sa gasera na lumikha ng apoy at sunog, kamakalawa ng gabi sa Cebu City.

Binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Vicente Sotto Memorial Medical Center ang paslit na si Shaina Vasquez sanhi ng matinding sunog na tinamo nito sa katawan at pulmonary inflamation.

Ang mga nasugatan naman na kasalukuyan pa ring ginagamot sa nasabing pagamutan ay kinilalang sina Janet, 24, ina ng biktima at ang kapatid nito na si Mark.

Batay sa ulat, naganap ang insidente sa loob ng tahanan ng mga biktima sa Sitio Soccoro, Brgy. Camputhaw, Cebu City dakong alas-7 habang mahimbing na natutulog ang mga ito.

Lumilitaw sa imbestigasyon na aksidenteng nadikit ang lobo sa gasera at lumikha ito ng apoy hanggang sa lumiyab ang buong kabahayan.

Nabatid na iniwanan ng ina ang kanyang mga natutulog na anak habang hinihintay niya ang kanyang mister sa labas ng kanilang bahay.

Napag-alaman na lamang nito na nasusunog na ang kanilang bahay nang makita niya na sugatang tumatakbo at humihingi ng saklolo ang anak nitong si Mark habang ang nasawi ay mag-isa at kasamang nasusunog na naiwanan sa loob ng kanilang lumiliyab na bahay. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments