Bodyguard ng alkalde tinodas

NUEVA ECIJA – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 45-anyos na bodyguard ng alkalde ng Carranglan ng mag-ama habang ang asawa at pamangkin ng biktima ay malubhang nasugatan sa naganap na karahasan sa Barangay Bantug, Carranglan, Nueva Ecija kamakalawa ng gabi. Napuruhan ang biktimang si Danilo Lorenzo, malapit na tauhan ni Mayor Luvimindo Otic, samantalang ginagamot naman sa ospital sina Nelia Lorenzo, 43, at Bobby Ebasto, 25 binata, kapwa residente ng nabanggit na barangay.

Tinutugis naman ang mga suspek na sina Remigio Sanchez Sr., ex-policeman, at anak nitong si Remigio Sanchez Jr., konsehal ng bayang nabanggit. Napag-alaman sa ulat ng pulisya na niyakap ni Danilo ang asawa kaya hindi napuruhan ang babae at nadamay naman ang pamangkin matapos na paulanan ng bala ng baril ng senglot na mag-ama. (Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments