Ayon kay Lt. Col. Daniel Lucero, Chief ng AFP-Public Information Office, nakaligtas naman sa insidente si Dimaporo na siya mismong nag-organisa ng nasabing pagtitipon.
Batay sa ulat, kasalukuyang nagtatalumpati si Dimaporo sa harapan ng kanyang mga supporters sa Pantar Municipal Hall nang bigla na lamang maghagis ng granada ang isang di pa nakilalang lalaki bandang alas-4:45 ng hapon.
May teorya ang pulisya na may bahid ng pulitika ang isa sa pangunahing motibo sa pagtatangka sa buhay ni Dimaporo na tumatakbo sa ilalim ng partido ng Lakas-NUCD ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Nabatid na kabilang sa mga karibal sa posisyon ni Dimaporo ay si dating Army Chief ret. Lt. Gen. Gregorio Camiling ng Koalisyon ng Nagkakaisang Pilipino na ang presidential standard bearer ay si Fernando Poe Jr. (Ulat nina Joy Cantos at Lino Dela Cruz)