Ayon kay Hussin, ang rehiyon ay matatag na at bumubuti ang ekonomiya bunga ng natamong kapayapaan at katiwasayan na pinangalagaan niya sa nakaraang dalawang taon.
Sinabi ng gobernador na natamo ang tagumpay dahil sa mahahalagang pagbabago na kanyang napasimulan kinabibilangan ng repormang pampulitikal, kapayapaan at seguridad, pagpapaunlad sa ekonomiya, pagpapaunlad sa lipunan at repormang institusyonal.
Inorganisa ni Hussin ang Regional Peace and Order Council (RPOC) upang maitaguyod ang mekanismo sa paglutas ng tradisyunal na hidwaan, at pagtatalaga ng tatlong deputy governors isa para sa Muslim, isa para sa Kristiyano, at isa para sa Lumads upang mapabuti ang pagkakaisa ng mga pamayanan ng mga tribu.
Binanggit din ni Hussin, tatakbong senador sa ilalim ng tiket ng administrasyon, ang memorandum of agreement sa Livelihood Enhancement and Peace Program, isang programang tinutustusan ng USAID na nagbibigay ng tulong sa mga dating rebeldeng moro at sa kanilang mga pamayanan.
Patuloy din ang suporta ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Mindanao partikular sa ARMM, at gayundin ang pagtitiwala at kumpiyansa ng ibat ibang bansang nagbibigay ng donasyon sa kanyang administrasyon.