Ayon kay Major Gen. Cristolito Balaoing, Chief ng Armys 7th Infantry Division (ID) na nakabase sa Fort Magsaysay, Palayan City, Nueva Ecija, may sapat na puwersa ang militar para protektahan ang US troops na balak paslangin at dukutin ng mga rebeldeng NPA.
Una rito, nagbanta si NPA Spokesman Gregorio "Ka Roger" Rosal na aatakehin ang mga sundalong Amerikano na magpapartisipa sa napipintong Balikatan 2004 na isasagawa sa Central Luzon simula Pebrero 23 hanggang Marso 7.
Bilang reaksiyon ay sinabi pa ni Balaoing na inisyu lamang ni Ka Roger ang pagbabanta upang takutin ang publiko at upang ipakita ang kanilang bangis.
Gayundin, minaliit ng opisyal ang kapabilidad ng mga rebelde para magsagawa ng pamamaslang at pagdukot sa hanay ng mga sundalong Amerikano.
Nabatid na umaabot sa 2,600 puwersa ng mga sundalong Kano habang 2,300 naman mula sa mga sundalong Pinoy ang nakatakdang magpartisipa sa nasabing joint militar exercises. (Ulat ni Joy Cantos)