Motorsiklo sumalpok,1 patay

CAINTA, Rizal – Isang binata ang namatay samantalang nasa kritikal namang kalagayan ang kasama nito matapos tumilapon nang sumalpok ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang island ng kalsada sa Brgy. Sto. Domingo kamakalawa ng gabi sa bayang ito.

Namatay habang ginagamot sa Amang Rodriguez Medical Center sanhi ng pinsala sa ulo at katawan ang biktimang si Ronnie Saguid, 22, at nasa malubha naman sa nasabi ring pagamutan ang angkas nitong si Jojo Rivera pawang residente ng Brgy. San Juan ng bayang ito.

Lumalabas sa ulat, na tinatahak ng mga biktima ang kahabaan ng Felix Avenue habang sakay ng Honda motorcycle (VP-9705) dakong alas-10 ng gabi.

Sa tulin umanong magpatakbo ni Saguid ay nawalan ito ng kontrol sa manibela at sumalpok sa island ng kalsada.

Sa lakas nang pagkasalpok ay tumilapon ang dalawa ng ilang metro at nabagok ang ulo sa semento.

Napag-alaman na walang mga suot na crash helmet ang mga biktima nang maganap ang insidente. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments