Tumangging sumamba sa demonyo,dinedo

Pinaniniwalaang tumangging sumamba sa demonyo kaya kinatay sa saksak ang isang sibilyang lalaki ng kanyang kumpare sa Barangay Longos, Zapote 5, Bacoor, Cavite kamakalawa.

Napuruhan ng patalim ang biktimang si Edwin Bautista matapos na undayan ng sunud-sunod na saksak ng suspek na si Onorio Calunay, alyas Nilo na tumakas matapos isagawa ang krimen.

Base sa imbestigasyon ni SPO1 Rodolfo Arboleda, magkasamang nag-iinuman ng alak ang magkumpare sa bahay ng biktima dakong alas-5 ng hapon.

Dahil sa lango na sa alak ang suspek ay unti-unting hinihimok nito ang kanyang kumpare na sumapi sa kinaanibang relihiyong satanista kasunod na sinambit na sumamba silang magkasama sa demonyo.

Para lalong makumbinsi ng suspek ang biktima ay binanggit pa nito na magkakaroon ng mahabang buhay at itim na kapangyarihan.

Ayon pa sa ulat ng pulisya, kahit lango sa alak ang biktima ay nakaramdam ito ng kakaibang pakiramdam at biglang nabuhayan ng loob kaya mariing tumanggi sa alok ng suspek.

Dito na nagalit ang suspek sa biktima kasabay na inundayan ng sunud-sunod na saksak ng patalim sa iba’t ibang bahagi ng katawan na ikinasawi nito. (Ulat ni Cristina G. Timbang)

Show comments