Ex-Army chief kakandidatong kongresista

Camp Aguinaldo – Papalaot na rin sa mundo ng pulitika si dating Army Chief Lt. Gen. Gregorio Camiling Jr., isang heneral ng militar na tinaguriang Mindanao war veteran sa kasagsagan ng all-out-war ng pamahalaan laban sa mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) noong 2000.

Sa panayam, sinabi ni Camiling na tatakbo siya bilang Kongresista ng ikalawang distrito ng lalawigan ng Lanao del Norte. Si Camiling ay makakalaban sa posisyon ni incumbent Lanao del Norte Congressman Adbullah Dimaporo na muling tatakbo sa ikalawang termino.

Nagdesisyon si Camiling na tumakbo sa ilalim ng partido ni action King at Kilusan ng Nagkakaisang Pilipino (KNP) presidential candidate Fernando Poe Jr. matapos suportahan ng daang kinatawan at mga lider ng Lanao del Norte na naniniwala sa kakayahan ng dating Army Chief.

Nabatid na si Camiling ay nahirang na kapalit ni Dr. Yusop Abbas na boluntaryo namang umatras upang bigyang daan ang kandidatura ng Mindanao war veteran matapos ang ginanap na kumbensiyon ng partido kamakailan.

Magugunita na naging tanyag si Camiling sa kainitan ng operasyon ng militar laban sa MILF rebels kung saan umaabot sa 46 kampo ng mga ito ang bumagsak sa tropang gobyerno noong 2000 sa panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments