Paslit napatay sa ambush ng NPA

LIGAO CITY – Isang paslit na lalaki ang iniulat na nasawi habang apat naman ang nasugatan makaraang tambangan ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang convoy ng tropa ng militar sa Barangay Allang kamakalawa.

Ang biktimang tinamaan ng ligaw na bala ng baril mula sa mga rebelde ay nakilalang si Francis Orap, 4-anyos, samantalang sugatan naman sina T/Sgt. Jaime Nero, Marites Orap,5, Michelle Pacites, 21, Michelle Labradella, 27 na pawang residente ng nabanggit na barangay.

Naitala ang pananambang dakong alas-3 ng hapon habang binabagtas ng tropa ng militar ang kahabaan ng nasabing lugar patungo sa Barangay Tula-Tula, Ligao City.

Ayon sa ulat, nagkaroon ng maikling putukan sa pagitan ng militar at rebelde hanggang sa umatras ang grupo ng NPA. Kinondena naman ng mga residente ang ginawang pananambang ng mga rebelde dahil sa maraming kabahayan ang tinamaan ng ligaw na bala. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments