2 lalaki sinaksak, 1 todas

Cainta, Rizal – Isa ang nasawi habang isa pa ang nasa kritikal na kondisyon makaraang pagsasaksakin ang dalawang miyembro ng Iglesia Ni Cristo (INC) ng dalawang lalaki na bumastos sa kapatid na babae ng isa sa mga biktima sa bayang ito kamakalawa ng gabi.

Dead on the spot sanhi ng isang malalim na saksak sa kili-kili na naglagos sa kanyang puso ang biktimang si Tirso Herosano, 20 at ang nasa grabeng kalagayan na nilalapatan pa ng lunas sa Amang Rodriguez Medical Center ay si Rodley Guadapez; pawang residente ng Kabisig St., San Andres, Cainta.

Agad namang nasakote ng pulisya ang mga suspek na sina Franklin Bernardo, 28 at Vito Galavin, 26; mga kapitbahay ng dalawang biktima.

Ayon sa imbestigasyon, dakong alas-10:30 ng gabi ng umuwi ng bahay si Herosano kasama ang kaibigan nitong si Guadapez kung saan ay nadatnan nilang umiiyak ang kapatid na dalaga ng nasawi dahilan sa pambabastos ng mga suspek.

Dahil dito ay kinompronta ng dalawa ang mga suspek subali’t sa kamalasan ay pinagsasaksak sila ng mga ito.

Kasalukuyan na ngayong nakapiit sa detention cell ng Cainta Police ang mga suspek. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments