Ayon kay Phil. Marine Corps (PMC) Commandant Major Gen. Emmanuel Teodosio, bumiyahe na kamakalawa patungong Mindanao ang mga elemento ng Marine Battalion Landing Team (MBLT) 11 para sa kanilang bagong assignment.
"Matinding pagsasanay ang kanilang pinagdaanan, silay maihahalintulad na natin sa hard-hitting fighting machine. Patunay nito ay ang malaking naibahagi ng MBLT 11 para masupil ang Oakwood mutiny noong nakalipas na taon," pahayag ni Teodosio.
Ang MBLT 11 ay kabilang sa mga tinaguriang Oakwood Heroes o mga tapat na sundalo na nanatili sa panig ng gobyerno sa kabila ng pag-aaklas ng may 300 junior officers at enlisted personnel ng militar sa ilalim ng Magdalo Group na sumakop sa Oakwood Premiere Hotel sa Makati City sa bigong pagtatangkang pabagsakin ang gobyerno.
Pangunahin namang tungkulin ng nasabing tactical unit ay ang lansagin ang nalalabi pang grupo ni ASG Chieftain Khadaffy Janjalani na namonitor na nagtatago sa kagubatan ng Sultan Kudarat.
Nabatid na ang MBLT 11 ay binuo noong Abril 1, 2003 para tumulong sa operasyon ng AFP-Southcom sa kainitan na rin ng kampanya laban sa ASG at iba pang grupo ng mga rebeldeng Muslim pero pansamantala itong di natuloy dahil sa nangyaring pag-aaklas ng grupo ni Phil. Navy Lt. Sr. Grade Antonio Trillianes IV na sumakop sa Oakwood Hotel noong Hulyo 27 ng nakalipas na taon. (Ulat ni Joy Cantos)