Sa 25-pahinang per curiam decision, kinatigan nito ang hatol na kamatayan ng Kalibo, Aklan Regional Trial Court (RTC) Branch 2 laban sa akusadong si Rafael Cea.
Sa rekord ng hukuman, sa loob ng mahigit sampung taon sa kanilang tahanan sa Brgy. Alaminos, Madalag, Aklan ay paulit-ulit na hinalay ng akusado ang kanyang anak na itinago sa pangalang Marie at palaging binabantaang papatayin.
Bukod kay Marie ay ginahasa rin ng kanilang ama ang kaniyang ate na pinangalanang Rosenda.
Nabulgar din na dalawang beses umanong naanakan ng kanilang ama ang kanyang ate subalit ang isa sa mga sanggol ay buhay na inilibing ng buhong upang itago ang kanyang kasalanan at huwag lumikha ng eskandalo.
Iniakyat ng akusado sa Korte Suprema ang kanyang apela subalit ibinasura lamang ito ng mataas na hukuman bunga na rin ng matitibay na ebidensyang iniharap laban dito.
Tumagal ang panghahalay sa biktima hanggang Enero 1999 at ng di na niya ito makayanan ay napilitang dumulog sa pulisya sa tulong ng ilang mga nagmalasakit na kamag-anak.
Inatasan naman ng mataas na hukuman ang akusado na bayaran ng P150,000 bilang danyos perwisyos ang dalagita. (Ulat ni Grace Dela Cruz)