75 mangingisda tinangay ng unos

CAMP AGUINALDO – Pitumpu’t limang mangingisda ang iniulat na tinangay ng unos, samantalang, isa ang nasawi habang 67 naman ang nasagip matapos abutan ng masungit na panahon ang mga biktima habang namamalakaya sa karagatang nasasakupan ng Northern Luzon, ayon sa ulat kahapon.

Sa ulat ng tanggapan ni Office of Civil Defense (OCD) Executive Director ret. Major Gen. Melchor Rosales, kabilang sa mga nawawalang mangingisda ay mula sa Ilocos Norte, Ilocos Sur at La Union.

Nabatid pa kay Rosales na dakong alas-9:50 ng gabi kamakalawa nang mapaulat ang pagkawala ng nasabing 143 mangingisda na lulan ng 89 bangkang pangisda na pumalaot sa karagatan.

Ang mga nawawalang mangingisda ay mula sa mga bayan ng Curimao, Ilocos Norte; Cabugao, Candon, Sta. Cruz, San Esteban sa Ilocos Sur; Agoo, Bangar, Bauang, Bacnotan, Caba at San Fernando City sa La Union.

Ayon sa pahayag ng ilang mangingisda, inabot umano sila ng masungit na panahon habang namamalakaya kaya di na nila alam ang sinapit ng iba pa nilang kasamahan nang balyahin ng malakas na alon ang kanilang mga bangka.

Sinabi pa ni Rosales na patuloy ang isinasagawa nilang search and rescue operations para hanapin ang nawawalang mga mangingisda habang may 67 naman ang nasagip, isa ang narekober ang bangkay at 12 naman mula sa kabuuang 89 nawawalang mga bangkang pangisda na ang kanilang natagpuan. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments