Dalaga iniwan ng boyfriend,nag-suicide

Antipolo City – Winakasan ng isang 21 anyos na dalaga ang kaniyang buhay sa pamamagitan ng pagbaril sa sentido makaraang makipaghiwalay rito ang kaniyang pinakamamahal na nobyo sa Brgy. Mambugan ng lungsod na ito kamakalawa ng hapon.

Dead-on-the-spot sa isang tama ng bala sa sentido na naglagos sa kaniyang utak ang biktimang kinilalang si Catherine Brilliante, residente ng Aguinaldo St., Katarungan Village, Brgy. Mambugan, Antipolo City.

Ayon sa imbestigasyon ni SPO1 Vic Madamba, naglasing muna ang biktima matapos na kalasan ng kaniyang kasintahan.

Dakong alas-2:10 ng hapon ay kinuha umano nito ang isang .38 caliber revolver na pag-aari ng kaniyang ama at itinutok sa kaniyang sentido.

Isang malakas na putok ang umalingawngaw na tuluyang tumapos sa buhay ng biktima. Naghihinala naman ang mga awtoridad na masyadong dinamdam ng biktima ang pakikipaghiwalay rito ng kaniyang nobyo kaya nagpatiwakal. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments