Binata patay sa pen gun

Camp Pantaleon Garcia, Cavite – Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang isang 19 anyos na binata matapos mapagtripang barilin ng pen gun habang nakatayo sa harapan ng isang basketball court sa AFP Housing sa Brgy. Old Bulihan, Silang ng lalawigang ito kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Rommel Campos, residente ng Block 65, Brgy. Ipil 1, Bulihan ng bayang ito. Pinaghahanap naman ang suspek na si Alvin Espana na mabilis na tumakas tangay ang pen gun na ginamit sa pamamaril.

Sa imbestigasyon ni PO1 Roderick Reyes, may hawak ng kaso, dakong alas-7:30 ng gabi habang ang biktima kasama ang mga kaibigan nito ay nakatayo malapit sa basketball court ng Zone 6 at masayang nagkukuwentuhan ng maganap ang insidente.

Hindi napansin ng magkakabarkada ang paglapit ng suspek na armado ng pen gun at ng malapit na sa kanila ay bigla na lamang pinaputukan ang biktima.

Mabilis na isinugod ang biktima sa Andres Bonifacio Hospital dahilan sa limang tama nito ng bala sa dibdib pero huli na ang lahat. (Ulat ni Cristina G. Timbang)

Show comments