2 drug pusher sinalvage ng vigilantes

Camp Pantaleon Garcia, Cavite – Dalawang itinuturong notoryus na drug pusher ang nasawi matapos na pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan na pinaniniwalaang vigilante group sa Bacoor, Cavite kahapon ng madaling araw.

Ang mga biktima na hindi pa rin nakikilala ng pulisya ay kapwa may makapal na packaging tape sa bibig, nakagapos ang katawan, may mga tama ng bala sa ulo at kapwa may nakasabit na placard na may nakasulat na "PUSHER AKO HUWAG TULARAN".

Sa imbestigasyon ni SPO1 Rodolfo Arboleda , may hawak ng kaso ang bangkay ng mga biktima ay magkakasunod na natagpuan sa pagitan ng alas 3 at 4 ng madaling araw sa kahabaan ng Brgy. Talaba sa bayan ng Bacoor.

Ang mga biktima ay kapwa may taas na 5’7 at tinatayang nasa pagitan ng 40-45 anyos.

Narekober naman sa tabi ng bangkay ng mga biktima ang mga packaging tape at mga basyo ng kalibre .45 pistol. Kasalukuyan nang nagsasagawa ng follow-up operations ang pulisya upang matukoy ang mga suspek. (Ulat ni Cristina G. Timbang)

Show comments