Sa nakalap na ulat kahapon sa tanggapan ni Army Chief Major Gen. Efren Abu, kinilala ang mga napatay na suspek na sina Muttin Mabang, alyas Reemy at Makapagal Mabang, alyas Pakal.
Ayon kay Abu, dakong alas-11:45 ng umaga nang makasagupa ng pinagsanib na operatiba ng Armys 301st Infantry Brigade, 66th Infantry Battalion at Tacurong police ang mga suspek sa masukal na bahagi ng Brgy. Bulod, Gen. SK Pendatun, Maguindanao.
Nabatid na ang mga suspek ay sangkot sa pagdukot sa Filipino-Chinese na si Roberto Ang noong nakalipas na taon.
Sinabi naman ni Army Spokesman Lt. Col. Joselito Kakilala na may bitbit na warrant of arrest ang mga operatiba ng pamahalaan upang dakpin ang mga suspek na sangkot sa pagdukot kay Ang nang makipagbarilan ang mga kidnaper.
Agad na sumiklab ang putukan sa pagitan ng magkabilang panig at makalipas ang may limang minuto ay tumimbuwang ang dalawa sa mga suspek.
Mabilis namang nagsitakas ang kasamahan ng mga kidnaper matapos na mapatay ang dalawa sa kanila.
Narekober sa pinangyarihan ng engkuwentro ang cal .45 pistol at homemade M16 rifle. Patuloy naman ang hot pursuit operations laban sa iba pang kasapi ng Pentagon KFRG.(Ulat ni Joy Cantos)