Base sa ulat ni ESS-CPD deputy chief at Anti-Smuggling Unit operations chief Capt. Marlon Alameda kay ESS-CPD district commander Capt. Elpidio Sonny Manuel, nasabat ng mga awtoridad ang 1,100 sakong imported smuggled refined-sugar na inabandona sa labas ng warehouse ng nasabing depot.
Napag-alaman na ang nakumpiskang saku-sakong asukal ay pag-aari ng Grand Fortune Trading Inc., isang port-user, walang indikasyon ng office address maliban sa nakatalang Manila, makaraang mabigo ang kumpanya na magsumite ng consumption entry sa Bureau of Customs (BoC).
Nabatid pa kay Alameda na ang deklarasyon sa dokumento ng consignee ay pawang dry glucose lamang subalit sa masusing pagsusuri ay 1, 100 sako ng first-class imported refined-sugar na nakapaloob sa dalawang 20-footer container van.
Ang nakumpiskang mga kontrabando ay dumating sa Port of Subic mula sa bansang Singapore lulan ng barkong M/V APL New Confidence at ang mga ito ay nakatakdang ipuslit palabas ng Freeport upang ibenta sa ibat ibang pamilihang-bayan sa lungsod ng Olongapo at Maynila. (Ulat ni Jeff Tombado)