Utol ng konsehal inatake sa puso sa demolition

Camp Pantaleon Garcia, Cavite – Nasawi ang kapatid na lalaki ng isang konsehal matapos na atakehin sa puso habang isa pa ang nasugatan ng sumiklab ang kaguluhan sa demolition sa isang squatters area sa kahabaan ng Aguinaldo highway sa Brgy. San Agustin, Dasmariñas ng lalawigang ito kahapon ng umaga.

Dead-on-arrival sa pagamutan ang biktimang si Efren Alvaran, 42, may-asawa, kapatid ng isang konsehal at residente ng # 333 , Brgy. San Agustin 1 ng bayang ito habang kasalukuyan namang ginagamot sa UMC Hospital ang nasugatang si Nicanor Hembrador na tinamaan ng malaking tipak ng bato sa kaguluhan.

Nabatid na pasado alas-8 ng umaga ng maganap ang insidente matapos na gibain ng demolition team ang tahanan ng humigit kumulang sa 1,000 kabahayan sa lugar.

Dahilan sa sobrang tensyon matapos na manlaban sa demolition team ang mga residente ay inatake sa puso si Alvaran bunga ng naganap na insidente.

Pinagbabato ng mga residente ang demolition team na gumanti rin ng pambabato.

Nabatid na ang malawak na lupain ng Brgy. San Agustin na kinatatayuan ng libong residente sa lugar ay pag-aari ng isang Benitez Co kung saan ibinenta ito sa pamunuan ng Solar bunsod upang paalisin ang mga naninirahan dito na wala umanong kaukulang relokasyon. (Ulat ni Christina G. Timbang)

Show comments