Kinilala ang dalawang biktima na sina Garry Guyata, may-asawa, bodyguard ni Congressman Jose Solis ng ikalawang distrito ng Sorsogon gayundin ang driver at pamangkin nitong si Raul Solis; pawang residente ng lalawigan.
Ayon kay P/Chief Supt. Jaime Lasar, Bicol Police Director, pinaniniwalaang ang insidente ay may kinalaman sa nalalapit na eleksiyon sa Mayo 10 ng taong ito kung saan ay aktibo na naman sa pangongotong sa mga kandidato ang mga rebeldeng komunista.
Dakong alas-12 ng tanghali habang si Congressman Solis ay dumadalo bilang panauhing pandangal sa isang programa sa pagbubukas ng kalsada sa naturang barangay na bahagi ng proyekto nito sa kanyang distrito nang biglang sumulpot ang mga armadong rebelde.
Bigla na lamang umanong pinagbabaril ng mga rebelde na humalo sa mga residente sa lugar ang dalawang biktima at ilang saglit pa ay mabilis na nagsitakas tangay ang dalawang cal . 9 MM pistol ng bodyguard at pamangking driver ng solon.
Nagsipag-panic naman ang mga tao na nagbalyahan sa pagmamadaling tumalilis sa lugar habang hindi naman ginalaw ng mga rebelde ang Kongresista.
Sa kasalukuyan, isang masusing imbestigasyon ang isinasagawa ng mga awtoridad sa kaso. (Ulat ni Ed Casulla)