Konsehal utak sa Parang bombing

PARANG, Maguindanao Naglunsad na ng dragnet operation ang tropa ng militar at pulisya laban sa incumbent municipal councilor at kasama nito na pinaniniwalaang utak sa madugong pambobomba sa gymnasium sa Parang, Maguindanao noong Enero 4 na ikinasawi ng 22-katao at ikinasugat ng malubha ng 70.

Sinabi ni P/Sr. Supt. Joel Goltiao, tagapagsalita ng PNP, sinampahan na ng kaukulang kaso ang mga suspek na sina Councilor Abdul Katab, alyas Henry at Suharto Ahmad, may-ari ng ginamit na motorsiklo na tinaniman ng bomba saka ipinarada sa gilid ng gymnasium.

Personal na nagtungo si Director General Hermogenes Ebdane Jr. sa Cotabato City para isuperbisa ang isinasagawang imbestigasyon sa bombing.

Inatasan din ni Ebdane si P/Sr. Supt. Isnaji Bantala, PNP-ARMM regional director, magpakalat ng intelligence team upang makapangalap ng impormasyon para matukoy ang pinagkukutaan ng dalawang responsable sa pambobomba.

Sa pahayag ni Bantala, si Katab na tubong Bonggomisland ay biglang nawala matapos maganap ang pambobomba at walang makapagbigay ng impormasyon sa kinaroroonan nito maging ang kanyang malapit na kamag-anakan.

Napag-alaman pa na si Katab ay suspek din sa naganap na dalawang bombing sa nasabing bayan noong nakalipas na taon at pinaniniwalaang pinupuntirya si Parang Mayor Vivencio Bataga na kilalang malupit pagdating sa pagpapatulad ng batas laban sa masasamang elemento ng batas.

Nabatid na kabilang sa nasawi ay ang babaeng buntis mula sa maimpluwensyang angkan ng Tomawis, anak ng vice mayor sa Maguindanao at isang security escort ni Mayor Bataga. (Ulat ni John Unson at Joy Cantos)

Show comments