Cholera outbreak: 5 paslit todas

KORONADAL CITY – Masusing minamatyagan ng mga awtoridad ang isang liblib na barangay sa bayan ng Glan sa Sarangani makaraang masawi ang limang paslit dahil sa pagkalat ng sakit na cholera.

Dahil sa pananalasa ng cholera ay ipinag-utos ni Governor Miguel Escobar kay Herminigildo Latoja, Sarangani provincial social welfare officer na panatilihing matyagan ang kondisyon ng mga residente sa Barangay Laguinit partikular ang mga bata para hindi na maulit pang may masawi.

Napag-alaman din kay Latoja na pinulong ni Gov. Escobar ang mga miyembro ng provincial legislative council na isailalim sa state of calamity ang nasabing barangay.

Ayon pa sa ulat, aabot na sa 40 sibilyan, karamihan ay paslit ang naapektuhan ng naturang sakit at pawang tubong B’laan naman na may edad 5-10 ang limang nasawi.

Pinaniniwalaan naman inuming tubig mula sa ilog at bukal ay nakontaminado dahil sa malakas na buhos ng ulan sa mga nakalipas na araw. (Ulat ni Ramil Bajo)

Show comments