Ito ang nabatid kahapon mula sa isang reliable source sa National Anti-Kidnapping Task Force (NAKTAF) base na rin sa impormasyong nakuha kay Fernando Niegos, ang nasakoteng mastermind sa pagdukot kay Sy at sa sumukong kasamahan nitong si Leo Garrido.
Gayunman, tumangging tukuyin ang pangalan ng tatlo pang pinaghahanap na kidnaper para di mabulilyaso ang operasyon.
Si Niegos ay nasakote sa kasagsagan ng pagsalubong sa Bagong Taon sa isinagawang operasyon sa Brgy. Macanit, Jaro, Leyte habang sumuko naman si Garrido ilang oras matapos na mabitag sa dragnet operations ang kanilang lider sa nasabi ring lugar.
Sinabi ni P/Chief Supt. Dionisio Coloma Jr., Eastern Visayas Police Chief na puspusan ang isinasagawa nilang manhunt operations upang madakip ang tatlo pang kidnaper ni Sy.
Bagaman tumanggi si Coloma na tukuyin kung ilan ang miyembro at mga lider ng Waray-Waray KFR gang ay sinabi nitong nakilala na nila ang mga ito.
Magugunita na si Sy ay dinukot ng anim na armadong kalalakihan noong Nobyembre 17 sa Quezon City at kinabukasan ay natagpuang bangkay sa Diosdado Macapagal Boulevard sa Parañaque City. (Ulat ni Joy Cantos)