Kinilala ng pulisya ang nasawi na si Ricardo Velasco ng Barangay Bolbok, in-house security guard sa nasabing ospital, samantalang ang dalawang suspek na agad naman nadakip ay nakilalang sina Angelito Dumpay, 40 at Jessie Villar, 34 na kapwa magsasaka at residente ng Mamburao, Oriental Mindoro.
Ayon sa ulat ng pulisya na isinumite kay Police Senior Supt. Rodolfo Magtibay, Batangas provincial director, bandang alas-8:30 ng umaga nang magtungo ang dalawang suspek sa nabanggit na ospital para bisitahin ang anak ni Dumpay na nakomatos dahil sa aksidente sa Occidental Mindoro.
Dahil sa ipinatutupad na seguridad sa naturang ospital ay ipinag-utos naman ni Velasco kay Dumpay na iwanan ang dalang bag sa front guards post.
Nabatid pa sa ulat na dakong alas-2:30 ng madaling-araw (Dec. 30) nang kunin ng dalawang suspek ang bag na naglalaman ng P5,000 para may ipambayad pero sa hindi maipaliwanag na dahilan ay nawawala ang nasabing halaga.
Agad naman kinompronta ni Dumpay si Velasco at habang nagkakasigawan ang dalawa ay mabilis na kinuha ni Villar ang nakasukbit na baril sa baywang ng biktima hanggang sa maganap ang hostage drama.
Ilang minuto pa ang nakalipas ay umalingawngaw na ang sunud-sunod na putok habang nakikipagnegosasyon ang pulisya.
Iniwan ng dalawang suspek ang bangkay ng biktima at tumalon sa likurang bahagi ng ospital pero agad naman nasakote sa kahabaan ng Gov. Carpio St. may 800 metro ang layo mula sa ospital. (Ulat nina Arnel Ozaeta at Ed Amoroso)