Van vs trike: Sanggol patay

MORONG, Rizal – Maagang kinalawit ni Kamatayan ang isang apat na taong gulang na sanggol na lalaki makaraang salpukin ng van ang sinasakyang traysikel na ikinasugat din ng malubha ng apat pang iba sa kahabaan ng Sitio Lanang ng bayang ito kahapon ng madaling-araw.

Hindi na umabot pa ng buhay sa ospital ang biktimang si Mark Angelo Monserrat, apat na buwan habang ginagamot naman sa Rizal Provincial Hospital sina Mary Jane, 23 at Reynaldo Monserrat, 25; Heddie Monserrat, 6 at tiyahin nilang si Ma. Magdalena La Torre, 24 na pawang residente ng Nagcarlan, Laguna.

Sumuko naman ang driver ng van (UHJ-941) na si Leopoldo Sierra, 33 ng Sitio Hulo, Pillila, Rizal.

Base sa ulat ng pulisya, tinatahak ng traysikel ang kahabaan ng naturang kalsada dakong alas-2 ng madaling-araw nang salubungin ng rumaragasang na van.

Agad na tumilapon ng may ilang metro ang sinasakyang traysikel ng mga biktima na naging sanhi nang pagkamatay ng sanggol. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments